Kalipunan ng mga Tula
Muli akong magsusulat
Ni Dizhiotcho Alfabeto
Ilang buwan na ang nagdaan.
Na sa wari ko’y milenyo ang itinagal.
Magbuhat nang aking ipinahinga,
ang aking pluma at isinantabi.
Kasama ng aking paboritong kwaderno,
na balot ng alikabok,
mula sa pabalat,
hanggang sa mga nalalabi nitong bakanteng dahon,
na kung saan malinaw pang maaaninag,
ang bakas ng mga isinalansang salita.
Ngunit hindi dahil sa panulat.
At sa matingkad nitong tinta.
Bagkus ay sa bigat at diin,
ng mga masisidhing damdamin,
na siyang umukit ng mga kataga.
Emosyong naglapat ng tugma;
sa mga inilimbag na salita.
Muli kong naalala.
Ang dahilan at sanhi,
Ng pagdampi ng pluma sa papel.
Ang madalas na nararanasan ng mga matatanda.
At ang aking kinatatakutan...
Ang dumating ang araw na ako’y MAKALIMOT at HINDI MAKAALALA.
Sapagkat nagkakaroon lamang ng kabuluhan ang buhay ng tao,
dahilan sa mga karanasan,
at sa mga naipon nitong alaala.
At kung dumating ang panahong ako’y makalimot.
Sa sandaling makalimutan ko ang mga taong malapit sa akin.
Bukod sa mga larawan,
muli akong magsusulat.
Ihahanay ko’t isasalansan ang mga salita.
Upang magtugma sa kung anong aking nararamdaman.
Sa mga panahon ng paglikom ng aking mga karanasan at alaala.
Bago pa sumapit ang dapit-hapon ng aking buhay.
Muli akong magsusulat.