Monsters in My Head

 

Tablo reader up chevron

Intro

 Monsters in My Head is a collection of short stories written under the Mystery/Thriller and Horror genres. The stories you can find here are written in Filipino but some are written in English. I hope you enjoy reading them as much as I enjoyed writing them. Thank you for your time.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Cubicle No. 8

Lunch break na pero di pa rin ako makapag-lunch. Ang dami ko pa kasing kailangang i-encode na data. Nagtatrabaho ako sa isang testing company, at dahil BS Microbiology graduate ako, sa Micro Section ako na-assign.

"Lizzy, tara na, mag-lunch na tayo. Mamaya mo na tapusin 'yan," pag-aaya sa akin ni Mariz, officemate ko.

"Sige, susunod na lang ako. Kailangan ko na kasing ma-encode 'tong results ng tests eh. Urgent daw kasi," sagot ko sa kanya ng hindi iniaalis ang atensyon ko sa computer.

"Sure ka? Sige ka, nandyan si George," sabi naman niya. Heto na naman siya sa pananakot niya. Akala niya natatakot ako. Hindi naman.

Si George, oo, pinangalanan talaga nila yung inimbento nilang multo, siya raw yung dating nakaupo sa cubicle ko sa office. Sa cubicle number eight.

Natapos na akong mag-type ng results at tatayo na sana ako para pumunta sa pantry nang mag-ring ang telepono. Nakakapagtaka. Bakit ita-transfer sa lab office yung tawag? Alam naman ng admin na lunch break pa. Pero kahit gano'n, sinagot ko pa rin ang tawag.

"Micro lab, good afternoon." Narinig kong may nagsalita bago pa man ako makapagsalita. Isang malalim na boses ng isang lalaki. Ewan ko, pero kinilabutan ako nung narinig ko yung boses na 'yun. Bukod kasi sa malalim, ang lamig pa ng boses nito. Magsasalita na sana ulit ako para tanungin ang pakay ng tumawag pero naputol bigla ang linya.

Ipinagsawalang-bahala ko na lang iyon at bumaba na sa pantry para mag-lunch.

Naabutan ko pang kumakain si Mariz sa pantry at tinabihan ko siya.

"Oh, hindi ka ba ginulo ni George sa ginagawa mo?" Tanong sa akin ni Paulo habang kumakain.

"Tigilan niyo nga ako sa kaka-George niyo diyan. Para kayong mga ewan. Tinatakot niyo lang ang mga sarili niyo," sabi ko habang inilalabas ang baon ko.

"Pero seryoso, Lizzy, wala talagang analyst na nakatagal diyan sa cubicle eight. Kung hindi nagpapalipat ng department, nagreresign," pagsisimula ni Joey ng kwento.

"Oo nga, yung huling nag-occupy sa cubicle mo ngayon, hindi nakatagal ng isang linggo. Buti nga ikaw, dalawang buwan ka na dito, hindi ka pa rin ginugulo ni George." Panggagatong ni Paulo.

"Eh sino ba naman kasi 'yang George na 'yan at di niyo malimutan?" tanong ko sa kanila. Nagkatinginan muna sila bago nagsalita si Mariz.

"Dating analyst siya dito. Dun siya sa cubicle eight. Napaka-loner niya. Hindi siya nakikihalubilo sa amin. Ni hindi nga siya sumasabay sa'min pag lunch break. Nandun lang siya lagi sa cubicle niya. Tapos isang araw, nakita na lang namin siya na walang malay sa upuan niya. Nung nilapitan namin, malamig na yung katawan niya. Patay na pala siya." Pagkukuwento niya.

"Oh, talaga? Bakit daw? Ano daw yung ikinamatay niya?" pag-uusisa ko.

"Hindi namin alam. Pero ang pinalabas ni Boss sa pamilya niya, inatake raw ng asthma, tapos hindi naagapan," sagot naman ni Joey.

"Ganun? Eh paano niyo naman nasabing nagmumulto siya?" tanong ko ulit.

"Simula kasi nung nangyari sa kanya, laging may tumatawag sa cubicle eight tuwing 12:15 ng tanghali. Pinagalitan pa nga ni Sir yung admin kasi, hindi naman dapat kami tinatawagan pag ganung oras. Sabi naman ng admin, hindi raw sila nagta-transfer ng calls at wala rin naman daw talagang tumatawag pag lunch break. Kaya simula noon, hindi na kami nag-stay sa office pag tanghali." Kwento naman ni Paulo. Kaya pala sinasagad nila hanggang ala-una yung break nila.

"Hindi niyo ba sinasagot yung tawag pagka gano'n?" tanong ko. Naku-curious talaga ako.

"Wala nang nagtangka pang sumagot ng tawag pag gano'ng oras. Yung una't huli kasi na sumagot nun, nagka-nervous breakdown. Halos mabaliw na nga kasi nakikita niya raw si George na galit na galit." sagot ni Mariz.

"Kaya ikaw, huwag ka nang magpaiwan mag-isa dun sa taas. Baka matyempohan ka ni George." Payo sa akin ni Paulo.

Hindi na ako nagtanong pa pagkatapos nung oras na 'yon. Nawala na yung interes ko dun sa George na 'yon. Pero aaminin ko na natakot ako dun sa mga sinabi nila. Lalo na pag naaalala ko yung tawag nung araw na 'yon. Pareho rin kasi ng oras na binanggit nila yung oras na sinagot ko yung tawag.

***

"Ano po? Hindi po kayang maglabas ng result no'n bukas. At least five days po ang kailangan para makapag-release ng result," paliwanag ko sa kausap ko sa kabilang linya. Sa reception 'yun. Gusto kasi nilang may mai-release nang result bukas, eh hindi pa nga dumadating yung sample.

 

"Ganun ba? O sige, sasabihan ko yung client na after five days pa yung release ng results. Pero pakihintay na lang yung sample. Gawin mo na ngayon. Special client kasi 'yun eh. Parating na siguro yung nag-pick up nun." sagot ng nasa kabilang linya.

Napabuntong hininga na lang ako bago ako sumagot ng 'okay' sa kausap ko. Nakakainis. Mapapa-overtime pa ako ng wala sa oras.

"Oh, bakit hindi maipinta yang mukha mo? Anyare, Te?" tanong ni Mariz pagkababa ko ng telepono.

"OT ako Te, bwisit kasi 'yang special client na 'yan eh. Hindi pa nga nakakarating yung sample nila, ang lakas na magdemand ng resulta," naiinis kong sabi sa kanya.

"Gusto mo samahan kita?" pag-piprisinta ni Paulo.

"Hindi. Huwag na. Kaya ko naman nang mag-isa." sabi ko. "Saka malamang hindi papayag si Boss na mag-OT ka ng walang dahilan." Pahabol ko pa. Nuknukan kasi ng kuripot yung Boss namin, kaya as much as possible, hindi pwede ang over time. Pwera na lang sa mga ganitong cases na demanding ang client.

Nagsipag-uwian na sila tapos ako naghihintay pa rin ng sample. Alas sais na dumating yung hinihintay ko at hinanda ko na rin para sa tests na kailangang gawin.

Halos dalawang oras kong ginawa yung samples ng client. Putek, ang dami pala nun. Hindi ako na-inform. Nakakainis. Matatagalan pa akong umuwi, kasi gagawan ko pa ng template sa computer yung worksheets ng samples na 'yun.

Inililigpit ko na yung mga ginamit ko nung narinig kong bumukas yung glass sliding door. Baka si Manong Guard yun, nag-roronda na. Nagtaka ako nung nagtagal na tapos hindi ko pa narinig na sumara yung pinto. Sumilip ako sa labas ng lab, ewan ko kung namalikmata lang ako o ano, pero parang may nakita akong lalaking nakaputi na lumabas sa media prep room. Binilisan ko na ang kilos ko at lumabas na ng lab. Nagtindigan lahat ng balahibo ko pagtungtong pa lang ng mga paa ko sa office area. Bukas ang lahat ng computers. Sa pagkakaalala ko, yung PC ko lang ang iniwan kong bukas kanina. At bukod pa dun, may naririnig akong mga pag-click ng mouse.

"Shete! Kung sino ka man, huwag mo akong guluhin ha. Hindi ako natatakot sa'yo." Pilit kong pinatapang ang boses ko kahit na kabaligtaran ang nararamdaman ko.

Hinimas ko ang magkabilang braso ko. Shemay! Ang lamig, eh nakapatay yung air-con. Huminga ako ng malalim at buong tapang na naglakad papunta sa cubicle ko. Okay na sana eh, ang tapang ko na, pero napaatras ako nung gumalaw yung swivel chair ko. Umatras ito at umusog ulit palapit sa desk. May umupo sa upuan ko at nagsimula na ring gumalaw ang mouse at keyboard. Parang may sariling buhay yung computer ko.

Paulo Gomez. Nakita kong tinipa ng keyboard ko, binura iyon at nagtype ulit. Joey Sevilla. Binura ulit iyon bago nagtype ulit, "Mag-ingat ka. Isusunod ka nila."

Huh? Mag-ingat? Saan? Kanino? Kina Paulo at Joey? Isusunod? Ang dami kong tanong na hindi ko alam kung may makakasagot pa. Tumalikod ako at akmang tatakbo na, pero hindi ko nagawa.

Napako ako sa kinatatayuan ko nang tumambad sa harapan ko ang isang lalaki. Makapal ang salamin niya, may braces sa ngipin at mukhang katsupoy ang buhok. The usual nerd look. Siya siguro si George. Kaya siguro siya loner. Pero maliban sa looks niya, nakita ko kung paano manlisik ang mga mata niya. Galit siya, pero hindi ko maramdaman na para sa akin 'yon, parang sa ibang tao siya galit.

"Manood ka." Malamig at malalim ang boses niya. Kapareho ng boses sa telepono noong isang araw.

Tulala lang ako, hindi ko naintindihan ang sinabi niya. Naramdaman ko ang malamig niyang mga kamay sa magkabilang balikat ko, at iniikot niya ako paharap sa computer. Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko. Isang video ang nagpe-play sa monitor ko. Pamilyar ang lugar. Oo, dito mismo sa kinatatayuan ko. Kuha ito mula sa CCTV camera sa office na 'to. Audio capable ang camera na 'yun, kaya rinig na rinig ko ang pagmamakaawa ng isang babae habang ginagahasa siya ng isang lalaki, habang may isa naman na hawak hawak ang mga kamay ng babae. Pinipigilan ito sa pagpupumiglas nito.

Hindi maatim ng sikmura ko ang nakikita ko. Iko-close ko na sana ang video nang nakita ko na may dumating na lalaki. Si George. Gulat na gulat siya, pero nagpanggap siya na walang nakita. May kinuha siya sa cubicle niya at umalis na rin agad. Pagkatapos noon ay audio file naman ang nag-play.

"Ano? Isusumbong mo kami? Kaya mo?" Paghahamon ng isang lalaki. Kilala ko ang boses na iyon. Si Paulo.

"Subukan mong magsumbong nang makita mo ang hinahanap mo," sabi naman ng isa pang lalaki. Si Joey.

"Eh kasi, hindi matahimik ang konsensya ko. Kayo ba? Hindi ba kayo nakokonsensya?" nanginginig na sabi ng isang lalaki.

"Leche, George. Tigilan mo kami sa kalokohan mo. Sabihin mo lang kung hindi mo kayang patahimikin ang konsensya mo. Para kami na ang magpatahimik sa'yo," pagbabanta ni Paulo. Ibang iba siya sa Paulo na nakilala ko. Hindi ko inakala na magagawa nila 'yon.

Nang naputol ang audio file, isang video file naman ang nag-play. Sina Paulo at Joey, may ibinigay na baso kay George na nasa cubicle niya.

"Alcohol. Nilagyan nila ng kaunting alak ang inumin ko. Allergic ako sa alak. Nagsisikip ang paghinga ko kahit sa kaunting alak lang." Narinig kong sinabi ni George bago nag-restart ang computer.

"Nariyan na sila. Magtago ka," sabi ni George at itinuro ang daliri sa lab.

Pumunta ako sa lab. Hindi ko alam kung saan ako pupunta.

"Halika." Boses ng isang babae. Sinundan ko ang boses at napadpad ako sa control room. May secret passage pala papunta doon.

Naupo ako sa sahig, yakap yakap ang mga tuhod ko. Hinanap ko sa monitor kung saan ang camera sa office namin. Nang makita ko, hindi ko na inialis ang tingin ko doon. Nakita kong pumasok sina Paulo at Joey.

"Lizzy? Nasaan ka?" Narinig kong sinabi ni Paulo. Parang nakainom sila.

"Yoohoo, Lizzy. Huwag mo na kaming taguan. Alam mo bang matagal ka na naming gustong matikman?" sabi naman Joey. Kinabahan ako sa narinig ko. Hindi sila 'yun. Hindi ako makapaniwala.

"Maniwala ka. Nagawa nila sa akin. Kaya rin nilang gawin sa'yo." Nagulat ako sa biglang pagsulpot ng isang babae. Siya yung babae sa video. Gula-gulanit ang damit niya at magulo ang buhok. May dugo rin sa kanang dibdib niya. Nakikita ko pa ang butas sa damit niya. Halatang sinaksak iyon.

Bakas ang galit sa mukha niya. Nag-aapoy sa galit ang mapupula niyang mga mata.

"Ako si Veronika. IT specialist dito." pagpapakilala niya.

"Dito ka lang. Kami na ang bahala sa dalawang 'yon," sabi niya bago siya biglang naglahong parang bula.

Tumingin ulit ako sa monitor. Nakita ko ang sarili kong pumasok sa office galing sa lab. Hindi, hindi ako yun. Nandito ako sa control room. Tumingin ang babae sa camera at nakita ko si Veronika na nakangiti. Isang nakakapangilabot na ngiti.

Nang makita siya nina Paulo ay agad naman nila itong sinunggaban.

"Pre, dating gawi." Sabi ni Paulo habang nagtatanggal ng sinturon. Hinawakan naman ni Joey sa braso si Veronika.

"Ang bango mo talaga, Lizzy, ang kinis pa." Hayok na hayok na sabi ni Joey habang hinihimas ang braso ni Veronika.

"Hindi ka ba manlalaban, Lizzy? Siguro gusto mo rin kaming matikman ano?" Mapanuksong sambit ni Paulo.

Hindi pumapalag si Veronika kaya nagdesisyon sila na huwag na siyang hawakan. Ngunit mali. Mali ang ginawa nila. Binigyan nila ng pagkakataon si Veronika na maisakatuparan ang plano nilang paghihiganti.

Naupo si Joey at sumandal sa pader habang pinapanood ang kahayupang ginagawa ng kaibigan niya sa babaeng akala nila'y ako.

Pumorma ang isang ngiti sa labi ni Veronika. Ganun din kay George na ngayon ay nakatayo na sa tabi ni Joey. May hawak siyang makapal na lubid. Bakas sa mga ngiti nila na lahat ay umaayon sa plano.

Patuloy si Paulo sa ginagawa, at sobrang tutok naman si Joey sa panonood. Nae-excite na siya sa gagawin niya pagkatapos ni Paulo.

Hindi nila namamalayan na unti-unti na silang inilalapit ng dalawang naghihiganting multo sa kanilang katapusan.

Unti-unting isinusuot ni George ang lubid sa ulo ni Joey. Nang lubusan nang nakapalibot sa leeg niya ang lubid ay biglaang hinila ni George ang lubid na nakasabit pala sa isang hook na nakalagay sa kisame. Nagpumiglas si Joey. Nanlaki ang mga mata nito nang makita niya sa paanan niya si George na hawak hawak ang lubid. Sinubukan pa niyang magsalita ngunit huli na ang lahat. Nalagutan na siya ng hininga.

Kasabay ng paghihiganti ni George ay ginawa na rin ni Veonika ang balak niya. Habang tuwang tuwa si Paulo sa ginagawa ay unti-unting nagpapalit ng anyo ang babae sa ilalim niya.

Natigilan sa ginagawa si Paulo.

"Ve-Veronika?" Hindi lang ang boses niya ang nanginginig kundi pati na rin ang buong katawan niya.

"Na-miss mo ba ako, Paulo?" nakangising tanong ni Veronika.

"Hindi, patay ka na. Pinatay ka na namin." Naiiling na sagot ni Paulo.

"Akala mo ba, palalampasin ko 'yun ng ganun ganun na lang? Nagkakamali ka!" Galit na asik ni Veronika kasabay ng paghablot niya ng gunting sa malapit na desk. Una niyang pinuntirya ang ari ng lalaki. Pinagsasaksak niya iyon hanggang sa humiwalay na ito sa katawan niya. Napasigaw sa sakit si Paulo. Sunod naman nitong pinagsasaksak ang dibdib niya hanggang sa maligo na ito sa sarili nitong dugo.

***

Kinabukasan, natagpuan ng Boss namin ang bangkay ng dalawa. Nang nagpunta sila sa control room ay nakita nila akong tulala sa harap ng monitor. Hindi nila ako makausap ng matino nang mga panahong iyon. Pangalan lang nina George at Veronika ang bukambibig ko. Inakala nila na baliw ako nang paulit ulit kong sabihin na sina George at Veronika ang may gawa noon kaya nagpasya sila na dalhin ako sa isang mental asylum. Wala ring nakitang footage ng pangyayari kaya ako ang pinagbintangan nila. Buti na lang at walang nakitang ebidensya na nagtuturo sa akin sa nangyari.

Limang taon na ang nakalipas mula ng mangyari iyon. Nakalabas na ako sa mental asylum na pinagdalhan nila sa akin. Nagsisimula na ako ng panibagong buhay. Nakapag-asawa na ako at nagkaroon ng kambal na anak. Isang babae at isang lalaki. Pinangalanan ko silang George at Veronika.

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Irene and Arianne

Kasama mo ang barkada mo nang mapadaan kayo sa tapat ng sementeryo. Napatigil ka at sinilip ang loob nito, papasok ka na sana nang tawagin ka ng kaibigan mo, "Yin, saan ka pupunta? Halika na!"

Napalingon ka sa kanya at sinabing, "Mauna na kayo, may dadaanan pa ako." Matapos niyon ay umalis na ang mga kaibigan mo at ikaw naman ay nagsimula na ring maglakad.

Hindi mo alam kung ano ang nag-udyok sa iyo na pumasok sa sementeryo. Ngunit naunawaan mo ang lahat nang dalhin ka ng mga paa mo sa tapat ng isang puntod. Tinitigan mong mabuti ang puting sementadong kahon sa harapan mo at nagbalik sa iyo ang mga alaala.

***

"Leche talagang mga lalaking 'yan! Akala mo kung sino. Ano bang tingin nila sa mga babae? Laruan? Buwisit! Tandaan lang ng Andrew na 'yan ang ginawa niya sa akin. Hindi ko siya mapapatawad!" Galit na galit na sabi ng kakambal mong si Irene. Tumayo ka mula sa silyang kinauupuan mo upang pakalmahin ang kapatid.

“Yin, wag ka namang masyadong high blood. Huwag ka nang magalit. Hindi maganda ‘yang naiisip mo. Baka mapahamak ka pa,” pagpapaalala mo sa iyong kakambal. Alam mo na matapang at walang kinatatakutan ang kapatid mo at sigurado kang hindi mabuti ang nasa isipan niya nang mga oras na iyon.

“A, basta, Yang. Humanda ‘yang Andrew na ‘yan! Pagbabayaran niya ang ginawa niya sa akin. Pagsisisihan niyang ako pa ang napili niyang paglaruan,” nagtatagis ang bagang na sambit ng kakambal mo. Kilala mo si Andrew. Siya ang nobyo ng kapatid mo na di kalaunan ay nagtaksil sa kanya. Ipinagpalit ni Andrew sa ibang babae si Irene at iyon ang dahilan ng sobrang galit ng kakambal mo.

“Hayaan mo na lang si Andrew. May iba ka pa namang mahahanap e. Huwag ka na lang gumawa ng ikasasama mo,” paulit-ulit mong pagpapaalala sa kanya ngunit isang matalim na tingin lang ang isinagot niya sa iyo.

Wala ka na lang nagawa kundi ang manahimik. Wala kang laban sa kakambal mo.

Si Irene at ikaw, iisa man ang pinanggalingan ay sadyang magkaiba naman ng pagkatao. Matapang at palaban ang kapatid mo samantalang ikaw ay tahimik at mapagbigay. Ngunit sa ganoong pagkatao ng kapatid mo ay mahal mo pa rin siya. Siya ang naging tagapagtanggol mo simula pa sa pagkabata ninyo. Pinrotektahan ka niya sa lahat ng mga batang nagtangkang mang-bully sa iyo sa eskwelahan. Siya ang naging sandigan mo, takbuhan sa tuwing may problema ka, dahil siya lang ang may lakas ng loob at tapang na makipaglaban sa mga taong gustong manakit sa iyo.

Ngayong tumanda na kayo ay lalo siyang naging matapang. Dahilan upang mahusgahan siya ng ibang tao. Nag-bisyo at nagrebelde siya upang ipakita sa mga tao na wala siyang pakialam sa mga panghuhusga nila. Nasasaktan ka dahil hindi mo man lang siya maipagtanggol sa mga taong nanghuhusga at nananakit sa kanya.

Ilang araw ang lumipas mula nang araw na iyon nang marinig mo ang usap-usapan ng mga kapitbahay.

“Nakita niyo ba kung gaano kasama ang nangyari kay Andrew? Kawawang bata, ka-gwapo pa naman,” narinig mong sabi ng matandang kapitbahay.

“Ay, oo nga. Kawawa nga at kalunos-lunos din ang sinapit ng batang iyon. Naku, isa lang ang maaaring gumawa niyan sa kanya,” sabi naman ng isa pa na siya namang tumingin ng masama sa direksyon na kinaroroonan mo. Nagsipag-lingunan naman ang dalawa pang kausap ng matanda.

“Ay siya nga. Si Irene lang naman ang may matinding galit sa binata e.” Lumapit sa iyo ang isa sa mga matatanda at hinawakan ang braso mo. “Arianne, nasaan ang kakambal mo? Isuko mo na siya sa mga pulis,” sabi nito.

“T-teka ho, ano ho bang nangyari? Saka hindi naman ho lumalabas ng bahay si Irene, huwag niyo naman pong isisi sa kanya ang kung ano mang nangyari,” sagot mo sa matandang nasa harapan mo.

Nagulat ka nang hilahin ka ng matanda patungo sa isang bahay. Sa bahay nina Andrew na ngayon ay pinaliligiran ng mga kapitbahay na nakiki-usyoso. Itinulak ka niya papasok sa bahay at tumambad sa harapan mo ang walang buhay na katawan ni Andrew. Napasinghap ka nang makita ang sinapit ng binata. Nakahandusay ito sa sahig at naliligo sa sarili niyang dugo. Hawak nito sa kanang kamay ang naputol na ari niya habang ang kaliwang kamay naman ay nakahawak sa leeg nito na tila ba sinasakal ang sarili. Mulat na mulat ang mga mata niyang nakatitig sa kisame. Hindi na kinaya ng sikmura mo ang nakikita ng mga mata mo kaya dali-dali kang lumabas at tumakbo pauwi sa bahay ninyo.

Nang makarating ka sa bahay niyo ay naabutan mong naglilinis ng duguan niyang braso si Irene. Nilapitan mo siya at tinanong, “Yin, anong nangyari sa’yo? Bakit ka may dugo? Saan ka ba nanggaling? Huwag mong sabihing…” Natigilan ka nang maisip mo ang susunod mong sasabihin. Hindi mo kayang banggitin ang mga katagang iyon. Hindi kayang paniwalaan ng isip mo ang posibilidad na iyon.

“Yang, ano bang problema mo? Bakit ka namumutla? Huwag kang  mag-alala, hindi sa akin ang dugo sa braso at damit ko,” nakangiting sambit ni Irene.

“S-si Andrew… K-kay Andrew?” nauutal mong tanong na ikinawala ng ngiti sa mga labi niya at tumalikod.

“Huwag mo ngang banggitin ang pangalan ng salawahang iyan. Hindi ko pa siya napapatawad sa panloloko niya sa akin,” gigil na sabi niya.

“P-patay na siya. I-ikaw ba a-ang p-pumatay sa k-kanya?” Napalingon siya sa narinig. Ngunit imbes na malungkot ay sumilay sa mga labi niya ang isang mapagtagumpay na ngiti.

“Ang bilis nga naman ng karma, ano? Pinapatay ko pa lang siya sa isip ko e, nagkatotoo na agad,” saad niya. Nasa mga labi niya pa rin ang mala-demonyong ngiti na iyon. Napasapo ka sa iyong dibdib nang marinig ang sagot niya.

“I-ikaw nga ang pumatay sa kanya? Tama ba ang hinala nina Aling Syanang na ikaw ang pumatay kay Andrew? Sa kanya ba ang dugong nasa damit at braso mo?” sunod-sunod mong tanong sa kakambal mo.

“Yang, kung ako ang gumawa noon, e di sana nagpapa-party ako rito sa bahay natin. Kaya lang hindi e, naunahan ako ng kung sino mang may mas malalim na galit sa kanya. Pero okay lang. At least, wala na siyang malolokong mga babae,” sagot ni Yin.

“E, saan galing ‘yang dugo? Saan ka ba galing?” tanong mo.

“Sa palengke, sumama ako kina Kiko magkatay ng baboy. Doon ako naglabas ng galit ko,” sagot niya at bumalik na siya sa paglilinis ng sarili.

Nang matapos siya ay tinulungan mo siyang ihanda ang inyong pananghalian. Nakapag-uwi siya ng karne ng baboy na mula sa palengke. 'Kayong dalawa lang ang magkasabay na kumain ng tanghalian dahil nasa duty pa ang inyong mga magulang na parehong mga pulis.

“Hoy, Irene! Lumabas ka diyan! Pagbabayaran mo ang ginawa mo kay Andrew! Kriminal kang babae ka!” narinig mo ang boses ni Princess, ang napapabalitang bagong nobya ni Andrew.

Kasalukuyan kayong naghuhugas ng pinagkainan nang mga oras na iyon. Tiningnan mo si Yin at nakita mong bumuntong-hininga lang ito bago nagpunas ng kamay para harapin ang babaeng nag-iiskandalo sa labas ng bahay niyo.

“Hoy! Huwag ka ngang mag-ingay diyan! Katanghaliang tapat, dada ka ng dada riyan! Tahiin ko yang bunganga mo nang manahimik ka e,” bulyaw ng kapatid mo sa labas ng bahay.

“Pinatay mo si Andrew! Masama kang tao! Kriminal ka!” patuloy sa pagsigaw si Princess.

Lumabas ng bahay si Yin at nilapitan si Princess. Pinanlalakihan niya ito ng mata habang kinakausap. Bakas sa mga mata ni Princess ang takot nito kay Irene. Ano kayang sinasabi ni Yin sa kanya, tanong mo sa iyong sarili. Nang balikan mo ng tingin ang dalawa ay nakita mong tumatakbo nang palayo si Princess at pabalik na sa loob ng bahay si Yin.

“O, bakit tumatakbo ‘yun? Anong sinabi mo sa kanya?” tanong mo.

“Sabi ko sa kanya, kapag hindi siya tumigil sa pagputak niya e, ipapalunok ko sa kanya ang putol na ari ni Andrew bago ko tahiin ang bunganga niya,” walang ganang sagot ng kakambal mo na siyang ikinatayo ng mga balahibo sa mga braso at batok mo.

“Naku, bakit mo sinabi ‘yon? Panigurado, kapag may nangyaring masama diyan kay Princess, ikaw na naman ang sisisihin nila. Baka arestuhin ka na ng mga pulis niyan sa ginagawa mo e,” pagbababala mo sa kanya.

“Hayaan mo sila, wala naman silang makikitang ebidensya e,” sabi niya at bumalik na siya sa paghuhugas ng mga plato.

Lumipas ang maghapon na nanood lang kayo ng TV. Hindi niyo na napag-usapan pa ang mga pangyayari sa araw na iyon at hindi ka na rin naglakas pa ng loob na umpisahan ang usapan dahil alam mong ikagagalit lang iyon ni Irene.

Nagising ka kinabukasan at nakitang nagko-cross stitch ang kakambal mo. Natuwa ka nang makitang aliw na aliw pa rin siyang gawin ang hilig niya. Noon pa man ay mahilig nang mag-cross stitch si Irene at ngayon ay ginagamit niya iyon para kalimutan ang mga hindi magandang pangyayari. Nang mapansin niyang gising ka na ay ngumiti siya at ipinakita sa iyo ang ginagawa niya. Halos maluha ka sa tuwa nang makita mo ang larawan ninyong dalawa na naka-perdible sa ibabang bahagi ng tela at nang makita mong ang mukha mo ang una niyang ginagawa. Nilapitan mo siya at niyakap.

“Yin, Yang, halina kayo’t mag-almusal na tayo,” tawag sa inyo ng inyong ina. Kumalas kayo sa pagkakayakap sa isa’t isa at pumunta na sa kusina. Naabutan niyo sa hapag ang mga magulang ninyo na naka-uniporme pa.

“Ma, Pa, bakit naka-uniform kayo? Di ba off niyo ngayon?” tanong ni Irene.

“Kauuwi lang namin. Masyadong abala ngayon ang kapulisan nang dahil sa nangyari kay Andrew,” sagot ng Mama niyo na tumingin kay Irene nang banggitin ang pangalan ni Andrew. “Idagdag mo pa ang kaso ni Princess, kawawang mga bata. Ang agang kinitlan ng buhay,” may panghihinayang sa boses ng inyong ina.

“Teka, Papa, Mama. Ano po bang nangyari kay Princess?” tanong mo ngunit imbes na sagutin ka nila ay iniabot nila sa inyo ang isang brown envelop. Nang buksan mo iyon ay halos masuka ka sa nakita mong larawan.

Nasa larawan ang walang buhay na katawan ni Princess. May gilit sa leeg nito na sa sobrang lalim ay halos lumabas na ang lalamunan nito. Nakatahi rin ng makakapal na sinulid ang bibig nito. Sa noo nito ay may mga letrang tila isinulat gamit ang talim ng kutsilyo. SLUT.

“Buti nga sa babaeng ‘yan. Ang hilig kasing mang-agaw ng boyfriend ng may boyfriend. Karma niya ‘yan,” puno ng pag-iimbot na sabi ni Irene.

“Irene, kung may alam ka sa mga pangyayaring ito, huwag mong asahan na pagtatakpan ka namin,” biglang sabi ng Papa niyo. “Hindi namin kokonsintihin ang mga kalokohan mong ‘to,” seryosong sambit pa nito.

Ikinagulat ni Irene ang tinurang iyon ng inyong ama. “Papa, naniniwala ba kayo sa usap-usapan ng mga tsismosang kapitbahay?” tanong niya. Bakas sa boses nito ang sama ng loob.

“Dad, huwag mo namang husgahan agad ang anak natin. On-going pa naman ang imbestigasyon e. At wala pang ebidensyang nagsasabing siya nga ang gumawa noon,” pagtatanggol ng inyong ina kay Irene.

“May nakakita sa kanya. At sigurado ang witness na si Irene ang nakita niya noon sa bahay ni Andrew at sa lugar kung saan natagpuan si Princess,” sambit ng Papa ninyo. Ikinagulat mo ang narinig mo. Hindi ka makapaniwala sa mga sinasabi ng Papa mo.

“So, mas paniniwalaan mo pa ang ibang tao kaysa sa sarili mong anak? Anong klase kang ama?” galit na galit na tanong ni Irene bago ito padabog na tumayo at umalis sa hapag-kainan.

“Dad naman, alam kong pasaway at may pagka-rebelde si Yin, pero sigurado akong hindi niya kayang gawin ‘yon. Hindi siya mamamatay-tao,” may bakas ng galit sa mahinahong boses ng inyong ina. Nawalan ka na rin ng ganang kumain kaya’t umalis ka na rin at sinundan si Irene sa inyong kwarto.

Sinubukan mong amuin ang kapatid mo ngunit hindi ka nito binigyan ng pagkakataon. “Kung sino man ‘yang witness na ‘yan. Huwag lang siyang magtangkang magpakita sa akin. Malilintikan talaga siya sa akin,” galit na galit na sabi niya bago siya lumabas ng bahay. Tinangka mo siyang habulin pero kilala mo ang kapatid mo. Walang makapipigil sa kanya sa oras na makapagdesisyon siya.

Kinagabihan ay tinawagan mo si Yin. Hindi pa rin siya umuuwi simula nang umagang iyon. Tinawagan mo siya at pinapunta sa kinaroroonan mo. Mayroon kang sorpresa para sa kanya.

“Yang? Nasaan ka?” narinig mo ang boses niya mula sa labas ng bodegang kinaroroonan mo.

“Nandito ako sa loob, Yin,” sagot mo. Matapos iyon ay nakita mo siyang pumasok sa pinto at nakita sa mga mata niya ang pagkagulat.

“Yang, anong ibig sabihin nito? Bakit nandito si Colette? Bakit siya nakatali?” sunod-sunod niyang tanong nang makita ang kapitbahay ninyong nakaupo at nakatali sa isang upuan. Wala itong malay.

“Hindi ba sabi mo, malilintikan sa’yo ang witness na nagturo sa’yo?” tanong mo. “Siya ang nagsumbong kina Papa na ikaw ang pumatay kina Andrew at Princess. Napakatangang babae. Ni hindi man lang niya makita ang pagkakaiba nating dalawa? Ikaw tuloy ang napagbintangan niya,” dagdag mo pa.

Napasapo sa dibdib niya si Irene. “Ibig sabihin, ikaw ang gumawa ng mga iyon kina Andrew at Princess? Paanong?… Bakit mo nagawa iyon?” hindi makapaniwalang tanong niya.

“Gusto kong ipaghiganti ka. Buong buhay ko, ipinagtatanggol mo ako. Ngayon, ikaw naman ang poprotektahan ko. Pero dahil mabait akong kapatid, ipauubaya ko na sa’yo ang paghihiganti kay Colette,” sabi mo at iniabot sa kanya ang isang punyal. “Putulin mo ang dila niya,” utos mo.

“Hindi ko gagawin ‘yan,” sagot ni Irene na umiiling iling pa. “Tigilan mo na ang kabaliwang ito, Yang,” sambit pa niya.

“Hindi!” galit mong sabi. “Matitigil lang ito kung mawawala ka na. Nang mawalan na ng sakit ng ulo sina Mama at Papa nang dahil sa pagrerebelde mo. Mamatay ka na!” pagkasabi mo noon ay itinutok mo sa kanya ang baril na kinuha mo sa inyong ama. Mabilis naman siyang kumilos at nakipag-agawan sa baril.

Nag-agawan kayo sa baril hanggang sa pumutok ito at natamaan ang isa sa inyo. Natigilan kayong dalawa dahil sa lakas ng puwersa ng pagputok na iyon.

***

“Arianne Soriano,” basa mo sa pangalang nakaukit sa lapida sa harapan mo. “Pasensya na, Yin. Hindi ko naman ginustong mapahamak ka e. Pero aaminin ko, ginusto kong maging ikaw. Kaya nga hindi na rin ako nagdalawang-isip na barilin si Colette, nang sa gayon ay wala nang maging saksi sa gagawin ko,” ang sabi mo sa kapatid mo.

“Yin, binisita mo pala yung kakambal mo, akala namin kung saan ka na nagpunta,” nagulat ka nang marinig mo ang boses ng kaibigan mo. Napalalim na pala ang pag-iisip mo at hindi mo namalayan ang pagdating nila.

“A, oo. Na-miss ko lang si Yang. Kinumusta ko lang siya at kinuwentuhan. Tara na,” sagot mo sa mga kaibigan mo. Nag-umpisa ka nang sumunod sa kanila. Nilingon mo ang puntod ko na may pangalan mo, at sumilay sa mga labi mo ang isang tusong ngiti.

Ang sarap palang maging ikaw, Yin, sabi mo sa iyong sarili.

 

 

 

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Mirror, Mirror

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Meron Akong Kwento

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

The Bloody Notebook

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like nikolojeyb's other books...