Pomagat

 

Tablo reader up chevron

Introduction

Ang istoryang ito ay halaw sa malikot na pag-iisip ni pulandit. Anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ng mga pangalan, lugar at pangyayari ay hindi sinasadya at nagkaton lamang. Ang maglathala nito ng walang pahintulot mula sa may akda ay mahigpit na hindi pinahihintulutan.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Part 1

"Luzviminda Cebu!!" malakas na tinig ng kanyang terror na boss.

"Wala ka na ba talagang magandang kwento na maisusulat ha!? Paulit-ulit na lang tong kwento mo eh, walang sense, walang twist at higit sa lahat walang kwenta ang mga nobela mo!!" sermon ng boss ni Luz sa kanya.

Sabay tayo nito sa office chair habang hinataw ang pinasa niyang folder sa lamesa sabay iling na para bang nanghihinayang. Laman ng folder ang isinulat niyang nobela. Muling naupo ang kanyang boss at sumandal sabay patong ng kanang siko sa arm rest ng upuan habang hinawakan ang kanang parte ng mukha habang umiiling iling pa rin. Nakatulala pa rin si Luz at ninanamnam ang bulyaw at sermon ng kanyang boss, mga ilang segundo rin bago siya nakatugon.

"Hayaan niyo po sir bigyan niyo lang ako ng isang buwan at makakagawa na ako ng magandang nobela para sa kumpanya." sagot ni Luz ng mahinahon sa boss niya kahit nagaalimpuyo siya sa asar, inis at galit ang kanyang puso na gustong sampalin, kutusan at sabunutan itong boss niya kahit ito'y napapanot na sa kunsumisyon sa kanya.

"Kung hindi mo na kaya gumawa ng magandang istorya, sabihin mo lang at papalitan na kita, sayang ang ibinabayad sayo ng publishing kung puro walang kwenta ang mga nobela mo, malulugi ang kumpanya ko niyan." tugon pa ng malupit niyang boss na para bang sinasapian ng demonyo sa talas ng

dila nito na halos madurog na siya sa kahihiyan. Kahit pa sa kabila ng walang nakakarinig sa sermon nito dahil nasa isang kulong na silid sila ay ramdam na ramdam niya sa sarili ang pagkapahiya.

"ASUUSS! bwiset!" malakas na sabi ni Luz.

Ngunit sa kanyang isipan lamang, kung pwede nga lang niya sabihin ito sa kanyang boss siguro ay matagal na niyang ginawa, subalit may pag galang pa din siya dito.

"Pangako ho sir gagawa ho ako ng magugustuhan ninyo at ng mga readers natin sa loob ho ng isang buwan, bigyan niyo pa ho ko ng isa pang chance Mr. Mercado." pagmamakaawa ni Luz habang siya'y nakayuko kahit pa hindi niya gusto magmakaawa sa panot na mamang ito na tinatawag niyang boss.

Naramdaman niya ang pagkalma ng galit ni Mr. Mercado sa huling salitang binitawan niya.

"Oh siya sige Luz, Bigyan mo ko ng magandang nobela, but within that time at hindi ko nagustuhan ang istorya mo eh, katapusan mo na sa publising na ito, nagkakaintindihan ba tayo?" medyo mahinahon at naging kalmado na sabi ni Mr. Mercado.

"Oho! Sir! Salamat ho" tugon ni Luz na may konting kagalakan na ng malaman na may chance pa siya na muling makasulat ng nobela.

"Siya sige na, at mag-isip ka na ng magandang istorya ng kumita naman tayo." bigay pahintulot ni Mr. Mercado na pwede na siyang lumabas ng silid habang ikinakampay ang kanang kamay na akala mo bumubugaw ng langaw.

Tumayo si Luz at lumakad palapit sa pintuan, hinawakan ng kanang kamay ang doorknob at ng akmang pipihitin na niya ito ng may narinig siyang tinig.

"Luz!" tinig pala ulit ni Mr. Mercado.

Habang hawak niya ng kanang kamay ang doorknob pumihit ang ulo niya pakaliwa kasabay ng konti ang katawan para harapin uli ang kanyang boss.

Naghumindig ang balahibo niya at parang lumaki ang kanyang ulo na para bang siya'y mabubuwal sa kanyang nakita. Napabitaw siya sa doorknob at napaharap ng tuluyan sabay napasandal sa pintuan. Nanlalamig ang buo niyang katawan at ang mga butil butil na pawis sa kanyang noo ay nag umpisa ng mamuo. Sa buong buhay niya ay ngayon lamang siya naka kita ng ganitong nilalang.

Isang lalaking duguan. Nakatayo ito sa likuran ng kanyang boss at agnas na ang kaliwang bahagi ng mukha na halos lumuwa na ang kanang mata sa sugat na natamo, may tarak ang dibdib na matulis na bagay ngunit hindi niya masabi kung anong bagay iyon dahil natatabunan na ito ng dugo. Ang mga sariwang dugo ay pumapatak pa sa dulo at naririnig pa niya ang tunog ng patak nito sa semento na parang tunog ng ulan mula sa butas na bubong. Marahil ay nasa tatlong pulgada ang haba ng pagkabaon mula sa dibdib subalit hindi niya lang masabi kung gaano kahaba ang buong bagay na pinansaksak dito ngunit sigurado siya na itinarak ito mula sa likuran.

Medyo matangkad at moreno ang lalaking puno ng dugo at sugatan. Bakas ang matipuno nitong pangangatawan kahit parang may edad na ito. Ang damit nito na nagkulay pula na sa dami ng dugo ay parang pamilyar sa kanya. Parang nakita na niya ito dati ngunit hindi niya matiyak kung saan. Nakatitig ito sa kanya ng matalim. Ang mga mata nito ay nanlilisik sa galit habang nakangiti ito na tago ang ngipin at tila may binabalak na masama sa kanya. Pawang punong puno ng galit ang anyo nito na akala mo siya ang gumawa ng karumal dumal na itsura nito.

'Sino ang lalaking ito?' sabi niya sa kanyang sariling nagtataka. 'Bakit parang galit na galit ito sa kanya?' Mga tanong na umalingawngaw sa kanyang balintataw.

"Luzviminda!!" tinig ng kanyang boss na may kalakasan at tinutuktok ng ballpen ang lamesa. Dahil sa tinig na iyon ay nagbalik ang kanyang ulirat. Sa bigla niyang pag kurap ay biglang nawala ang lalaking duguan sa likod ng kanyang boss.

"Ba-bakit po si-sir?" tanong niya na nauutal.

"Anong nangyari sayo at nauutal ka?" hindi tumugon si Luz at nakatitig lang sa kanyang boss. Lumilipad pa rin ang isip niya tungkol sa nakita.

"One month Luz one month." patuloy na paalalala nito sa kanya. Napatango na lamang siya na halatang nawawala sa sarili.

Tuluyan niyang binuksan ang pinto at lumakad palabas ng opisina. Bago niya ulit isara ang pintuan ay sumulyap muna siya sa lugar kung saan niya nakita ang lalaking duguan. Baka sakaling nandoon ulit at hindi siya namalik mata. Hindi nga siya nabigo. Nakatayo na naman ito sa dating puwesto. Walang pinagkaiba nung una niya itong makita. Nabaling ang tingin niya kay Mr. Mercado at napansin nito na nakatingin siya sa kanyang likuran sabay sabing

"Anong tinitingnan mo?" akmang iikot ang office chair nito upang talikuran si Luz at usisain na rin ang napansin nitong tinitingnan niya.

"Mapapaharap siya sa lalaking duguan" nasa isip ni Luz. Akmang iikot na ni Mr. Mercado ang upuan ng sumigaw siya.

"HUWAG! Sir! HUWAG!" para mapigilan niyang makita ni Mr. Mercado ang lalaki kung sakaling umikot ito. Napahinto si Mr. Mercado sa pag ikot halos nasa kalahati na ito at galit na sinabing "What Luz!?" sabay itinuloy ang pag ikot at tuluyang humarap sa lalaking duguan.

Akala niya ay maghuhumiyaw ito sa takot oras na makita ang lalaki ngunit walang reaksiyon ito indikasyon na hindi niya ito nakikita. Halos walang isang talampakan ang layo nila sa isa'tisa.

Muling inikot ni Mr. Mercado ang upuan paharap kay Luz dahil sa ginawa nitong pagsigaw na ngayon lang niya naalala.

"Bakit ka nga pala sumigaw?" urirat nito.

"Ka-kasi po si-sir" tugon ni Luz at sabay tingin sa kinaroroonan ng lalaki ngunit muli itong naglaho ng hindi niya napapansin.

"Wala po, tuloy na po ako." Wala din saysay kung sabihin niya dahil hindi naman ito nakikita ng kanyang boss at malamang ay hindi naman ito naniniwala sa paranormal. Baka isipin pa nito na nawawala na siya sa katinuan dahil sa stressed.

Dito na niya tuluyan isinara ang pinto ng opisina at lumakad sa pasilyo ng second floor.

Ano ang meron sa kanya at bakit sa kanya nagpapakita ang lalaking duguan? Bakit hindi ito nakikita ng kanyang boss kahit na harap-harapan na ito sa kanya? Sino ang lalaking iyon!? Nangingilabot niyang tanong sa sarili na nagtataka habang binabagtas ang pasilyo pababa.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Part 2

Siya si Luz o Luzviminda Cebu na buong pangalan, dalawampu't walong taong gulang at nananatiling dalaga. Ayaw niya sa buo niyang pangalan dahil sa Cebu na nga ang kanyang apelyido pagkatapos ay Luzviminda pa ang kanyang unang pangalan na acronym ng Luzon, Visayas, at Mindanao. Tampulan ng tukso ang kanyang pangalan nung siya ay bata at maging hanggang sa ngayon. Masasabi niya na naging dahilan ang kanyang pangalan para ma bully siya.

Isa siyang manunulat sa isang maliit na publishing company sa Parañaque. Naglalathala ito ng mga entertainment magazine, pocketbook, graphic novel at maging tabloid. Dahil sa tampulan ng tukso ang pangalan niya ay gumamit nalang siya ng pen name na TagaCebu kahit hindi siya bisaya at laki sa silangang katagalugan.

Marami na rin siyang kathang kwento at mabenta ang mga iyon kaya ganun na lamang ang galit ni Mr. Mercado ng hindi siya makasulat ng magandang istorya. Marahil ay nagkukulang na siya sa mga imahinasyon at inspirasyon kaya walang pumapasok na magandang istorya sa kanyang isipan. Patuloy pa rin siya sa pag iisip habang patuloy rin siya sa paglakad sa kahabaan pasilyo ng second floor. Pagpanaog niya sa hagdanan papuntang first floor ay nakasalubong niya si Eid sa kahabaan ng hallway ng ground floor.

Si Eid, binata, trenta anyos at ang head ng utility ng building na kanyang pinagtatrabahuhan. Masugid niya itong manliligaw at masasabi niya na may unawaan sila ngunit hindi pa niya ito pormal na sinasagot. Masasabi niya na isa ito sa taong mahalaga sa kanya dahil malapit na malapit sa puso niya ang binata. Mabait, masipag at mapagmahal sa magulang ang binata lalo na sa ina nito na natitira nitong kamaganak. Ayon sa binata ay iniwanan silang mag-ina ng kanyang ama ng siya ay sampung taong gulang pa lamang. Saksi ang dalagang si Luz sa pagiging mapagmahal nito sa ina lalo na at dadalawa na lamang silang magkatuwang sa buhay, dahil solong anak lamang ang binata. Agad siyang binati ng binata ng makita siya nito.

"Kamusta babes!?" bati ni Eid sa kanya.

"Tse!! Babes ka dyan!?" tugon ni Luz sabay ngiti.

"Nasermunan ka na naman ni boss ano?"usisa nito

"Natural oo, hindi niya nagustuhan iyong sinulat kong nobela eh" sagot niya.

"Sabi ko sayo eh, sagutin mo na ko para sa bahay ka na lang at ako na ang bahala sayo." kumbinsi ng binata sa kanya.

"Eid, pinagusapan na natin to di ba? Alam mo naman na hindi pa tapos ang responsibilidad ko kay Lanie eh." sagot ni Luz na may pagkabugnot.

"Kailan mo pa ako pag aantayin Luz, tumatanda na tayo baka naman alikabok na lang ako bago mo pa maisipan sagutin ako.?" sabi ni Eid na para bang may pagmamakaawa sa kanya na may halong pangungunsensiya.

"Ano ka ba naman Eid? Ano gusto mo sabihin sakin na mamamatay ka na? Wag ka nga magsasalita ng ganyan."pikang sagot niya sa binata.

"Malay mo mamatay na ko mamaya o bukas o sa isang araw o sa isang linggo o ngayon na mismo di hindi na tayo naka buo ng pamilya." sabi ni Eid sa kanya na may halong pangangatal ng boses dahil sa bugso ng damdamin.

"Ano ka ba!?" sabay hataw ni Luz sa braso nito na may pagaalala dahil sa mga tinuran ng binata.

"Sige, pagiisipan ko." patuloy ni Luz.

"Talaga!?" tuwang tuwa sabi ni Eid.

"Ou nga, siya magtrabaho ka na at uuwi na ko" paalam niya sa binata.

"Okay! Ingat ka sa byahe ha. Text mo agad ako pag kauwi mo" sagot ni Eid.

"Okay" sabay lakad ng dalaga palabas ng building.

Paglabas ng building ay pumasok muna siya sa katabing cafeteria para makapagisip. Hindi niya mawari ang nakita niya kanina sa likuran ng kanyang boss. Dahil ba sa sama ng loob sa frustration sa kanyang nobela na hindi nagustuhan ng kanyang boss kaya kung anu-ano ang nakikita niya o dahil lang sa stressed na nakukuha niya na makagawa ng magandang istorya.? Itong mga bagay na ito ang naglalaro sa kanyang isipan subalit kahit ano pa man ang dahilan ay parang pakiramdam niya na tunay ang kanyang naranasan kanina at hindi imahinasyon lamang.

Hindi siya matatakutin at hindi rin masyado nagpapaniwala sa multo. Lalong wala naman siyang tinatawag na third-eye kaya pinilit na lamang niyang iwinaksi iyon sa kanyang isipan at inisip na guni-guni lamang iyon. Umupo siya bandang kanan sa tabi ng pintuang salamin at maging ang gilid ng cafeteria ay salamin din kaya tanaw na tanaw niya ang mga nagmamadaling mga tao na kung saan patungo maging ang mga sasakyan na humaharurot sa makitid na kalsadang iyon na gawa sa aspalto.

Umorder siya ng iced tea at hamburger para malamnan ang kanyang sikmura dahil hindi pa rin siya nagtatanghalian mula kanina. Inisip niya na dahil din siguro sa gutom kaya kung anu ano ang nakikita niya. Habang busy siya sa pagtetext biglaan siyang napalingon sa harap niya ng may pumasok at buksan ng guard ang salaming pinto ng cafeteria. Sumulak ng kaunti ang gulat sa kanya dahil parang naaninagan niya ang repleksyon sa salamin ng lalaking duguang nakita niya kanina sa opisina. Subalit ng ibalik niya ang kanyang paningin ay wala na ito maging sa bandang likuran niya o sa labas na maaaring pagmulan ng repleksyon.

Hindi pa niya nauubos ang inorder niya ng magpasya na siyang lumabas ng cafeteria at maglakad upang makahanap ng masasakyang jeep papuntang Alabang. Medyo takip-silim na ng makasakay siya ng jeep sa Alabang biyaheng Biñan, naging gawi na niya ito araw-araw.

Puno na ang jeep at paalis na ito. Medyo nagaagaw antok na siya at halos bumagsak na siya sa kaharap niyang pasahero kundi nga lamang siya nakakapit sa baras ng jeep ay kanina pa siya lumagapak sa katapat na pasahero. Natauhan lamang siya ng may madinig na tinig ng isang pasahero na nagbabayad.

"Bayad ho!" sa harapan niya ang kamay ngunit nanlaki ang mata niya sa nakikitang kamay na puro dugo. Walang mga kuko ito at durog ang mga daliri animoy pinitpit. Nawala ang antok niya, napatunganga, gusto niyang sumigaw ngunit pinigilan niya ang sarili. Lalong nanlaki ang kanyang mga mata at dito ay dahan dahan niyang sinundan ng tingin ang kamay na puro dugo papuntang braso na halos naaagnas na at kita na ang mga buto. Nasa stage na ito ng decomposition at parang naamoy niya ang alingasaw ng laman na nabubulok. Parang slow motion ang nangyayari at dahan dahang binagtas ng mata niya ang brasong naagnas paakyat sa balikat papunta sa mukha. Dito ay inaasahan niya na ito ang lalaking duguan na una niyang nakita sa opisina. Hindi siya kumukurap at sobrang bagal ng paggalaw ng kanyang ulo dahil sa takot na mawalan siya ng malay oras na makita niya ang lalaki. Huminga siya ng malalim bago niya makita ang may ari ng kamay na naaagnas subalit nagkamali siya. Isang binatilyo at hindi ang lalaking duguan at sabay nagsabing…

"Ate pasuyo ng bayad." Muli niyang tinitigan ang kamay subalit normal na iyon. Agad nagbalik siya sa ulirat at inabot ito papuntang driver.

Namalik-mata na naman ba siya? Pero hindi siya kumurap kahit kisap mata lang. Paano nangyari iyon? Hindi niya maipaliwanag ang nangyayari at dito ay naghumindig na naman ang kanyang balahibo at akala mo siya nakalutang sa hangin. Litong lito na siya sa nangyayari sa kanyang sarili at sa nakikitang kahindik hindik na itsura ng lalaki.

Binagtas nila ang SLEX at nakarating na sila sa babaan niya, magaantay na lang siyang mapuno ang tricycle para makaalis na at makarating na siya sa bahay. Pagdating sa bahay naabutan niya si Lanie na nagaaral.

Si Lailanie Cebu o Lanie ang kanyang kapatid dalawampung taong gulang na at graduating na sa kolehiyo sa kursong journalism. Si Lanie ang dahilan kung bakit hindi pa siya maka oo kay Eid kahit gustong gusto na niya. Pangako niya kasi sa kanyang namayapang ama na pagtatapusin niya ito ng pag aaral bago siya lumagay sa tahimik. Matalino kasi si Lanie at nakikita niya na magiging matagumpay ito sa larangang pinasok. May hilig din itong sumulat, idolo niya ang kanyang ate ngunit mas gusto nito ang mga may makabuluhang pagsusulat at hindi mga kathang isip lamang.

"Ate! Andyan ka na pala kumain ka na ba? Maghahanda lng ako." sabay sara ng aklat at tayo upang mag ayos ng kanilang pagkain.

"Sige, gutom na nga din ako eh." umupo siya sa lamesa at pinatong ang dalang shoulder bag.

Pagkatapos mag hapunan ay agad pumasok si Luz sa kwarto para makapagpahinga. Alas diyes na ng gabi at pinipilit niyang makuha ang tulog subalit hindi niya magawa bagkus ay pumasok sa isip niya ang mga nangyari ngayong araw. Ngayon lang niya naranasan ang bulyawan ng kanyang boss at sabihan na sisisantihin kung hindi makagawa ng magandang istorya. Alam niya naman na hindi siya kayang tanggalin ni Mr. Mercado sa publishing dahil malapit na magkaibigan ang kanyang ama at si Mr. Mercado. Sa katanuyan nga ay ninong niya ito sa binyag ngunit kahit kailanman ay hindi niya ito inabuso. Manunulat din ang kanyang ama at mentor nito si Mr. Mercado. Hindi pa pumapanaw ang kanyang ama noon ay hinabilin na silang magkapatid ng kanyang ama kay Mr. Mercado para gabayan sa buhay kaya parang pangalawang tatay na niya na ito kung tutuusin. Subalit malupit ang kanyang ninong lalo na sa trabaho kaya minsan ay naaasar din siya.

Kamamatay lamang ng kanyang ama, halos wala pang 3 buwan ang nakakaraan at kaarawan mismo ni Lanie ng ito'y pumanaw. Atake sa puso ang sabi ng doktor na ikinamatay nito na labis niyang pinagtatakhan, sapagkat hindi naman na diagnose ng high blood o na stroke ang kanyang ama o ng ano mang dahilan na maiuugnay sa atake sa puso. Ang pagkamatay nito ay parang misteryoso din dahil dilat ang mata nito at parang naging puti lahat, nakanganga na animo'y sumisigaw. Wala naman siyang kakayahan para pangunahan ang mga findings ng doktor kahit may alinlangan siya.

Hindi niya rin maipaliwanag ang mga nakita niya kanina. Ang alam niya lang ay sa horror movies lang nangyayari iyon. Ano kaya ang binabalak ng lalaking duguan sa kanya? May gusto kayang ipahiwatig ito sa kanya? Mga tanong niya sa sarili. Sa sobrang pagod at pag iisip ay nakatulog na siya na hindi pa nakapag bihis ng pantulog na damit.

Kinabukasan, nagising si Luz sa alarm ng kanyang cellphone na tumutunog tuwing alas siyete ng umaga. Tumayo siya agad at nagpunta sa banyo para mag hilamos. Hinanap niya si Lanie, nasa kusina ito at nag hahain ng almusal. Agad silang kumain para makapasok na siya sa publishing at si Lanie sa university. Pinapayagan naman siya na tuwing magpapasa na lamang ng nobela tsaka siya pumunta sa opisina, pero mas nais niya na dun na lamang dahil wala din naman siyang makakasama sa bahay dahil papasok din ang kanyang kapatid. Minsan ay dito na lang din sa bahay siya nagsusulat kapag tinatamad siyang bumiyahe.

Nagtapis siya at nagpunta sa banyo, agad na tinanggal ang tapis na tuwalya at tuluyang lumantad ang hubad niyang katawan. Humarap siya sa salamin na isang tao ang laki at pinagmasdan ang kanyang itsura. Bagamat hindi siya masyadong matangkad ay maputi at makinis ang kanyang balat. Bakas na bakas din ang hubog ng kanyang katawan na animo hinulma dahil sa perpektong kurba nito. Ang kanyang pares ng dibdib ay tayong tayo pa at ang namumula mulang utong nito na tumatayo kapag malamig ang panahon ay isa niyang asset kaya marami ang nagnanasa na matikman iyon. Dahil sa busy sa karera ay sinapit niya ang edad na beinte otso ay wala pa siyang karanasan sa pakikipagtalik at tanging halikan lamang. Wala pa ring kamay na nakakadapo sa kanyang malulusog ngunit katamtamang laki ng dibdib maging sa kanyang kaselanan. Subalit hindi lamang magandang katawan ang kanyang ipinagmamalaki kundi pati ang kanyang magandang mukha na may singkiting mata at matangos na ilong. Mayroon din siyang biloy sa magkabilang pisngi at matamis na ngiti na maraming nahahalina dahil sa maganda at mapuputing niyang ngipin. Umikot siya at tiningnan ang kanyang puwet na bilog na bilog at firm na firm pa ang talbog sa tuwing siya'y maglalakad.

Nagsawa siyang pagmasdan ang sarili at binuksan ang shower. Pumikit siya at tanging lagaslas lang ng tubig ang kanyang naririnig na tumatama sa kanyang likod paagos sa kanyang babang katawan.  Tumunghay siya at umikot habang nakapikit pa rin at hinahayaan na bumagsak sa mukha niya ang tubig mula sa shower habang nagsasabon ng kanyang katawan.

Napatigil si Luz sa pagsasabon ng katawan ng maramdaman niya na parang may nakatingin sa kanya. Kahit hindi niya ito nakikita ay agad siyang nakaramdam ng kaba na pakiramdam niya ay may kasama siya sa banyo at pinag mamasdan siya sa paliligo. Pinatay niya ang shower at pinakiramdaman ang paligid ng nakapikit. Ramdam talaga niya na may nakatingin sa likuran niya at kinikilabutan na siya. Ang mga balahibo niya ay tumatayo kahit basa ng tubig at parang nanlalamig ang kanyang pakiramdam.

Habang nakayuko, binuksan niya ang kanyang mga mata at nagsimula bumilang sa isipan.

"Isa... Dalawa... Tatlo..." sabay paling ng ulo't katawan paharap sa likuran niya ngunit wala siyang nakita.

Nakahinga siya ng maluwag at bumuntong hininga. Payapa na ang loob niya at kalmado ng mapatingin sa pintuan na may nakasabit na maliit na salamin at duon niya nakita ang lalaki na nakangiti na ngayon na labas ang mga ngipin. Yumuyugyog ang balikat sa pag ngisi ngunit walang tunog na nakatingin sa kanya. Nakatayo ito sa likuran niya katabi ng isang malaking salamin na ginagamit niya kanina. Napasigaw siya at bumalot sa buong kabahayan ang kanyang palahaw.

"Aaaaaaaaahhhhhhh!!" tili ni Luz.

Rumaragasang pumasok si Lanie sa banyo ng marinig ang ate niya na nagtitili. "Ate! Ate! Ano nangyayari sayo?" tanong ng kapatid habang kinuha ang tuwalya at ibinalot sa hubad na katawan ni Luz.

" May lalaki, may lalaki.!" nang hihilakbot na sabi ni Luz.

" Ate! Walang tao dito tayong dalawa lang." sagot ni Lanie.

Binuksan ni Luz ang mga mata at wala na nga ang lalaki kaninang nasa likuran niya. Inalalayan siya ng kapatid palabas at papuntang kwarto. Dito ay kinalma siya ni Lanie at kinumbinsi na guni-guni lamang iyon.

Halos mag aalas dies na din ng makarating siya sa opisina. Dahil sa pagod niya sa biyahe at sa stressed na dulot ng nangyari sa banyo ay umupo muna siya sa kanyang office chair at saglit nagpahinga bago niya simulan ang pagsusulat.

Makaraan ang limang minuto ay binuksan niya ang dalang laptop na ginagamit niya sa paggawa ng nobela. Regalo ito ng kanyang ninong na bumisita sa bansang Japan kaya hindi pa ito nabibili sa Pilipinas ay mayroon na siya. Binuksan ang application kung saan niya sinisimulan ang pagsusulat at pagkatapos niya maka buo ng nobela ay tsaka niya ito babasahin muli para sa bahaging kailangan niya ng editing bago niya ipasa sa kanyang editor na sa kasamaang palad ay ang may ari rin ng publikasyon na si Mr. Mercado.

Tinutuktok niya ng apat na daliri ang office table habang nag iisip ng magandang titulo ng kanyang nobela, subalit walang pumapasok sa isipan niya, nagpasya siya na sa huli na lang siya maglalagay ng titulo. Halos wala rin pumasok sa isipan niya kung paano i bi build up ang kanyang character na dapat ay kakaiba para maging interesado ang mga readers.

Sa kadesperadahan ay itinype niya ang salitang "Pamagat" sa header na animoy humihingi siya ng magandang titulo habang nakapikit na nag iisip pa rin sa plot ng kanyang bagong nobela. Mahusay siya tumipa ng keyboard at kapa niya ang mga letra dahil sa isa siyang touch typist na hindi na kailangan tumingin pa sa keyboard para maiwasan ang pagkakamali. Laking gulat niya ng maimulat ang mata at tingnan ang kanyang naisa titik sa kanyang kompyuter.

"Pomagat" ito ang kanyang nabuong salita na imbes na Pamagat. Bihira siya magkamali ngunit hindi na niya iyon binigyan ng panahon para isipin pa kaya hinayaan na lamang niya. Balisa siya sa pagiisip ng may maulinigan siyang malamyos na tinig.

"Lllhhhuuuuzzz!" mahina at mahaba na parang hangin lang, animoy nanggagaling ito sa hukay at malalim ang pinanggalingan ng nakakakilabot na boses.

Nagpalinga- linga siya at hinanap kung may tao malapit sa kanya subalit wala siyang nakita. Mga ilang metro din ang layo ng mga ibang empleyado. Ibinalik niya ang tingin sa laptop ng marinig niya ulit na may tumawag.

"Llluuuuzz!" parang malapit ito sa kanya dahil parang lumakas ito. Subalit wala pa rin siyang makita na tao na maaring tumawag sa kanya. Marahil ay guni-guni na naman niya iyon at mga haluhalong tunog lamang na nabibigyan niya ng kahulugan. Nagmadali siyang ibalik ang paningin sa laptop at dito ay nagulantang siya sa isang malakas na tinig na nagpakabog ng todo sa kalmado niyang pakiramdam.

"BULAGA!!"malakas na tinig na halos lumuwa na ang puso niya sa gulat.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Pulandit's other books...