Pomagat 2: Pasilyo Uno

 

Tablo reader up chevron

Disclaimer

Ang istoryang inyong masasaksihan ay halaw sa malikot na pag-iisip ni pulandit. Anumang pagkakahawig sa tunay na buhay ng mga pangalan, lugar at pangyayari ay hindi sinasadya at ginamit lamang para bigyan kulay ang istorya.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Part 1

Unti unting niyang iminulat ang kanyang mga mata at bahagya siyang nasilaw sa liwanag. Muli niya itong ipinikit at bahagyang iminulat hanggang sa masanay sa liwanag na hindi niya mawari kung saan nagmumula. Halos puro anino lamang ang kanyang nakikita, mga taong nakatayo sa gilid ng kanyang hinihigaang kama.

Asan ba siya?

Anong nangyari sa kanya?

Mga tanong sa isip niya habang sinasanay ang mata sa liwanag.

Sa pag balik ng kanyang malinaw na paningin ay nakita niya ang pinagmumulan ng liwanag. Mula sa mahabang flourescent light na nasa puting kisame. Iginala ang kanyang mata at namasdan ng maliwanag ang mga nakapaikot sa kanyang tatlong tao. Nakaputi lahat ang kanilang damit. Isang lalaki at dalawang babae.

“Kamusta ang pakiramdam mo Vincent?”sabi ng lalaking nakaputi.

Vincent?

Sino ang taong iyon.

Dito ay napaisip siya at hindi maalala ang kanyang pangalan.

Sino ba siya?

Anong pangalan niya? Nasaan siyang lugar?

Muling nagsalita ang lalaki.

“Naaksidente ka Vincent, may naalala kaba kung ano ang nangyari?”

Napailing siya.

Sa kanyang pag iling ay nakaramdam siya ng sakit sa kanyang leeg. Napangibit siya sa kirot. Muli niyang inikot ang paningin, ang mga sahig ay gawa sa mga puting tiles. Sa bandang pintuan ay namasdan niya ang pagdaan ng isang dalagita na nasa labing anim na taong gulang.

Nanlaki ang kanyang mata at napanganga. Ang dalagita ay pawang sunog ang katawan, maging ang damit ay dumikit na sa balat dahil sa pagkakasunog. Nakasuot ito ng palda na lampas tuhod at gulagulanit na halatang nasunog ang laylayan. Kitang kita pa niya ang mga usok na lumalabas sa katawan ng dalaga. Amoy na amoy niya ang sunog na laman na parang tumitigil sa balingusan ng kanyang ilong. Nakatingin ito sa kanya habang diretsong lumalakad sa kabilang panig dahilan para mawala ito sa kanyang paningin at matakluban ng pader.

Muli niyang ibinalik ang atensyon sa lalaki at inintindi niya ang sinasabi nito.

“Ako si Doctor Cruz. Mananatili ka muna dito sa hospital ng mga ilang buwan pa at kung may maalaala kana sa nangyari ay puwede mo sabihin sa amin para masabihan natin ang iyong kamag anak.”ani nito.

“Magsasagawa pa kami ng mga obserbasyon sa kalagayan mo at maaaring nagkaroon ka ng amnesia buhat sa aksidente.”

Aksidente?

Anong aksidente?

Mga tanong na naglaro sa kanyang isipan.

Lalong sumakit ang ulo niya ng pilit niyang alalahanin.

“Sa ngayon ay mahihirapan ka pang gumalaw dahil sa mga bali sa iyong ribs at balikat. Bibigyan ka nalang ng nurse ng pain killers sa tuwing hindi mo na matiis ang sakit.”paliwanag nito at sabay nagpaalam sa kanya kasunod ang isang babaeng nakaputi.

Agad inabot ng natirang babae ang gamot niya para inumin.

“Hello Vincent, ako si Clara.”sabay abot sa kanya ng gamot at isang basong tubig.

Nahirapan siya ng kaunti at nakaramdam ng konting kirot sa paglunok ng gamot at tubig.

Sinubukan niyang umupo sa kama ngunit naramdaman lamang niya ang pagsakit ng kanyang tagiliran. Muli siyang napahiga at nakita ang babae na umupo sa silyang walang sandalan na nasa gilid ng kanyang kama.

May dala itong bag at iniabot sa kanya.

“Tanging yan lamang ang laman ng iyong bag. Wala kaba talagang naaalala?”tanong ng babae sa kanya.

Hindi siya sumagot dahil alam niya na sa kanyang pag iling ay muling kikirot ang kanyang leeg.

Kumuha siya ng isang laman ng bag at nakita ang isang id.

Vincent Cebu.

Ito ba ang kanyang pangalan?

Lalong sumakit ang ulo niya ng pilit alalahanin ang lahat. Napansin iyon ng nurse.

“Huwag kana masyado mag isip. Kusa mo nalang maalaala ang lahat sa mga darating na araw . Ako nga pala ang naka assign sayong nurse. Ako si Clara.”sabi nito sa kanya na nakangiti.

Iniwan siya nito at ibinalik niya ang sarili sa pag susuri sa id. Muli niyang tiningnan ng masusi at doon nakalagay ang kanyang address na tinitirhan at pinagtatrabahuhan.

Isa siyang security guard sa isang pribadong unibersidad.

Lumipas ang mga araw at unti unti na siyang nakakagalaw.

Salamat sa pag aalaga ni Clara.

Naging malapit sila nito kahit sa kabila ng wala pa rin siyang memorya. Bukod kasi sa maganda ang nurse ay napakabait nito. May buhok ito na maikli hanggang batok at bagay na bagay sa kanyang hugis ng mukha. May katamtamang taas at ang ilong na matangos ang unang unang mapapansin sa kanya. Ang mukha nitong maamo na parang isang anghel na sa tuwing titingnan niya ay nawawala ang kanyang alalahanin sa kanyang kalagayan. Isang babae na talagang hindi ikakahiyang ipakilala sa lahat ng tao dahil sa taglay na ganda at bait. Mabilis na nahulog ang loob niya sa nurse.

Isang umaga. Oras ng round ni Clara ng maisipan nitong tanungin ang nurse tungkol sa dalaga na nakita niya sa harap ng kanyang silid na sunog ang katawan.

“Kamusta na ang mga dalagang nasunog?”

“Nasunog?”nagtatakang tanong ni Clara.

“Oo sunog. Nakita ko sila sa harap ng…”naputol ang kanyang pagsasalita ng hindi masabi ang gustong ipahiwatig.

“diyan.”sabay turo na lamang niya sa pintuan ng kanyang silid.

“Walang sunog dito sa ward na to. At saka kung meron man, sigurado sa emergency room yun dadalhin.”paliwanag ni Clara.

“Perooo…”kontra ni Vincent.

“Haluccination mo lang yon. Side effect din yan ng iniinom mong gamot. Kalimutan mo na yon.”

“Teka. Binata kapa ba?”dagdag ng nurse at pag iiba ng kanilang pinaguusapan.

“Hindi ko alam eh. Ikaw ba dalaga pa?”tanong naman ni Vincent.

“Dalaga pa, Tiningnan ko ang id mo single ang nakalagay. Wala kapa rin bang naaalala. Nanay, tatay, girlfriend.”usisa nito.

“Wala pa rin eh. Isang maganda at mabait na nurse lang ang naaalala ko.”tugon ng binata.

“Hmmp. Bolero!”sabay abot kay Vincent ng isang baso ng tubig at mga gamot na dapat niyang inumin.

Mabilis silang nagkapalagayang loob ni Clara sa pananatili niya sa ospital. Bagamat bumuti na ang lagay niya at nakakakilos na ng ayos ay ni wala kahit isang katiting na alaala ng nakaraan ang bumabalik sa kanya.

Bagamat walang kamaganak o kaibigan na dumadalaw sa kanya kagaya ng mga katabi niyang pasyente ay naging maligaya pa rin siya dahil kay Clara.

Ganun din ang naramdaman ng dalaga sa binata dahil sa angkin nitong mapagbiro at masayahin lalo na ang pagiging malambing nito.

“Para sayo.”boses na nagmula kay Vincent sabay tingin naman ni Clara.

Isang rosas na gawa sa papel ang iniaabot nito na may katagang “i love you”

“San ka natuto gumawa niyan?”tanong ng dalaga na namumula mula ang pisngi dahil sa pagiging malambing ng binata na ngayon lang niya naranasan.

“Hindi ko alam. Bigla nalang tumubo parang pag ibig ko sayo.”nangingiting sagot nito kay Clara.

“Ang corny mo ha.”nakangiting tugon nito kahit na kita naman ang pag ka kilig nito sa ginawa ng binata.

Inabot ng dalaga ang papel na rosas at nalaman niya na monitoring niya iyon kaya kahit gusto niyang kurutin ang binata ay hindi nito magawa at nagtawanan na lamang sila.

Sinabi ni Doctor Cruz na pambihirang kalagayan at kakaunti lamang ang nakakaranas ng klase ng amnesia na kinakaharap ni Vincent ngayon ngunit naging matatag siyang harapin iyon dahil na rin sa naging tulong ni Clara.

Pinayagan na siyang ma discharge sa ospital bagamat iniinda niya ng kaunti ang kanyang balikat na sumasakit ng bahagya lalo na kapag malamig ang panahon.

Nagpasya siyang muling balikan ang kanyang tinitirhan na nakasaad sa kanyang id.

“Pasilyo Uno”

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...

Part 2

Magkakadikit ang bahay na halos walang pagitan. Ang kalsada na papasok sa kanyang tinitirhan ay isang tao lamang ang kasya at kung may makakasalubong ay siguradong tatagilid parehas para magkasya.

Natukoy niya ang kanyang bahay na may numerong 31 sa pintuan.

Pinihit ang kalawanging doorknob ngunit naka lock.

Agad niyang binusisi ang bag na ibinigay ni Clara na naglalaman ng kanyang mga gamit at nakita ang isang susi na ginawang key chain sa isang coin purse.

Binuksan niya ang pinto at sabay kawala ng usok na tumakip sa kanyang mukha.

Napaubo siya sa nalanghap.

Hinawi niya ang mga usok sa pagpagpag ng kanyang maliit na bag. Pumasok siya sa bahay at hinanap ang maaaring pagmulan ng usok ngunit wala siyang nakita.

Alikabok siguro.

Naglaro sa isip niya ng makita ang kanyang bahay na matagal ng walang nakatira at binahayan na ng alikabok at agiw.

Nilinis niya ang maliit na bahay at naupo sa isang sala seat na gawa sa kawayan para magpahinga. Napakaliit ng bahay at pagpasok ng pinto ay bubungad na agad ang isang higaan na may sawaling banig. Sa tabi ng bintana ay ang mahabang upuan na kawayan na kanyang kinauupuan. Sa kaliwang bahagi naman ay ang lamesang maliit na kainan at sa kabila pa noon ay ang kubeta.

Wala siyang maalaala ngunit sigurado siya na nagiisa lamang siya dito bago pa ang aksidente dahil lahat ng gamit niya ay pang isang tao lang. Isang papag na matigas at isang kumot at unan. Isang silya at isang plato pati kutsara at baso.

Ganito ba siya kalungkot at mag-isa sa buhay?

Naglalaro sa isip niya ng maalala na oras na pala ng pag-inom niya ng gamot.

Agad niyang kinuha ang mga tableta at kinuha ang basong transparent na lumabo na sa alikabok na halatang matagal ng hindi nahugasan.

Hinughugan niya ng tubig ang baso mula sa gripo at doon na rin kumuha ng ininom na tubig.

Sa paglunok niya ng gamot ay naaalala niya ang dalaga. Ang malambing at magandang nurse na si Clara na nagbigay sa kanya ng pag-asa sa kabila ng sinapit niya. Wala man lang kaibigan o kamaganak na bumisita sa kanya at tanging si Clara lamang ang kanyang nakakausap tungkol sa buhay.

Nag umpisa na siyang magtaka tungkol sa kanyang pagkatao subalit hindi naman niya alam kung saan mag-uumpisa.

Tanging ang maliit na bahay na ito sa loob ng Pasilyo Uno ang kanyang alam tungkol sa kanyang pagkatao.

Kinalimutan niya ang agam agam at baka lalo pa iyong makasama sa kanya kaya bumalik muli siya sa pag upo at isinandal ang ulo. Bahagya siyang pumikit at pinakiramdaman ang paligid. Tanging pandama lamang ang kanyang magagawa kung talagang dito ba siya nagmula. Sa kanyang pagpasok sa pasilyo ay wala man lang siyang nakitang tao sa kabila ng mataas na ang sikat ng araw.

Marahil ay abala ang mga tao sa kani-kanilang gawain.

Isip niya.

Nakakabingi ang katahimikan na kahit hininga niya ay kanyang naririnig ng mapamulat siya sa tunog na hindi niya masabi kung saan nagmumula. Tunog na parang mga kuko na kinakalmot sa isang manipis na dingding. Malakas ngunit dahan-dahan lamang ang tunog.

Tumayo siya at natukoy niya sa banyo galing ang tunog na iyon.

May nakatira bang iba dito?

Hindi niya masagot iyon dahil kahit siya ay hindi alam kung sarili ba niya iyong bahay o nangungupahan lang.

Inisip niya na sa matagal niyang pagkawala ay pinaupahan na iyon ng may-ari sa iba ngunit agad din niya iyong kinontra dahil sa mga litrato niya na nakasabit pa sa mga dingding.

Dahan dahan siyang lumapit sa pintuan at patuloy pa rin ang pagkaluskos sa pinto ng banyo na yari sa manipis na plywood.

Tumayo siya sa harapan nito at inilapit ang kanyang tenga sa dingding na pinto at tuluyang idinikit.

Lumakas ang tunog ng kaluskos kaya nasigurado niya na sa loob talaga ng banyo galing ang mga kaluskos. Kinatok niya ang pinto habang nagsasalita.

“Sinong nandiyan?”

Walang sumasagot sa kanya subalit tuloy pa rin ang kaluskos. Ilang ulit niyang kinatok ang pinto ngunit wala pa ring tumugon.

Plano na niyang buksan at silipin ang naguumpisa ng kaluskos. Ang hindi pag sagot sa loob na kung ano mang nilalang ay nagbigay sa kanya ng konting kaba. Hinanap niya ang seradura ngunit wala siyang nakita. Bahagya niyang itinulak ang pinto at bumukas ng bahagya. Lumangitngit pa ang mga bisagra na halatang na istak ng matagal sa ganoong posisyon. Madilim ang loob at wala siyang maaninag. Walang bintana na maaaring pagmulan ng liwanag. Kinuha niya ang cellphone at binuksan ang flash at tinapat sa banyo. Wala siyang nakita kundi kasilyas na naninilaw na sa kalumaan. Lumapit siya dahan dahan at pagpasok niya ng bahagya sa kubeta ay napatalon siya sa gulat at halos mabitawan ang dalang cellphone. Naninikip ang kanyang dibdib at ang kanyang tagiliran ay muling sumakit ng bahagya sa naranasang gulat.

Isang itim na pusa na nagtatakbo palabas ng bahay galing mula sa loob ng banyo na nagkukubli sa likod ng pinto. Hinintay niyang lumuwag ang kanyang paghinga at muling isinara ang kubeta at saka muling bumalik sa seat na kawayan.

Payapa na ang kanyang loob at namahinga sa may bintana. Ang hangin na humihihip sa kanyang tuktok ng ulo ay nagbigay ginhawa sa kanya dahilan para mag-agaw tulog. Napabalikwas siya ng may tumapik sa kanan niyang balikat ng dalawang beses. Mabilis ang pagkakatapik at agad siyang tumayo at hanapin iyon. Marahil ay mga bata iyon na naglalaro kaya dali-dali siyang lumabas at umaasa na nagtatakbuhan ang mga bata subalit wala siyang nakita.

Tumingin siya sa relo at dalawang oras din pala siyang nakaidlip.

Dalawang oras na yon?

Pagtataka niya sa sarili dahil pakiramdam niya ay kakapikit lamang niya.

Bumalik muli si Vincent sa pinagta trabahuhan na pribadong eskuwelahan at baka sakaling may maitulong ito sa kanyang pagkatao.

“Vincent?”tinig ng isang may edad na lalaki na tumawag sa kanyang pangalan. Naka uniporme ito ng pang guwardiya.

Nakatingin lamang siya rito at pinipilit na maala-ala kung sino ito.

“Kamusta na? Ang tagal mong nawala, halos kalahating taon. Hindi ka man lang nagpaalam.”ulit pa nito.

“Naaksidente kasi ako, sino ka nga ho ulit?”tanong niya sa matanda.

“Ako si Mario, okay kana ba? May ganyan din akong kakilala nakalimutan ang mga bagay bagay matapos maaksidente, babalik din yan unti unti, magkasama tayo dito sa trabaho. Ano bang aksidente yun? Babalik kana ba uli? Hinahanap ka kasi sakin sa opisina.”mahabang tugon ng matandang guwardiya.

Hindi malaman ni Vincent kung ano ang uunahin niyang sagutin sa dami ng tanong ni Mang Mario.

“Hindi ko pa ho maalala ang lahat ng detalye. Pwede pa ho ba akong pumasok?”sagot ni Vincent na may kasunod na tanong.

“Pwede pa siguro, kaka resign lang nung pumalit sayo eh, nag abroad. Subukan mong pumunta sa opisina, teka isusulat ko yun address at alam kong hindi mo natatandaan.”sabay kuha ng isang maliit na papel at sabay hugot ng ballpen na nakasabit sa kaliwang balikat.

Iniabot sa kanya ang address sabay muling nagsalita.

“Dalhin mo rin yun medical mo para maniwala sila na naaksidente ka at para makakuha kana rin ng benefits.”

“Salamat ho Mang Mario.”magalang na tugon ng binata.

“Mario, Mario lang ang tawag mo sa akin.”

“Salamat uli Mang Mario.”ulit ni Vincent sabay umalis para tunguhin ang opisina.

Bahagya siyang nagtaka dahil sa laki ng agwat ng edad nila ay hindi man lang niya ito tinawag na Kuya o Mang at talagang sa pangalan lang.

Ganon ba sila kalapit?

O hindi siya sanay gumalang sa nakakatanda sa kanya?

Nasa isip niya habang papalayo sa matandang guwardiya.

Pinagmamasdan lamang siya ni Mang Mario na iiling-iling habang bumulong sa sarili.

“Tsk ! Tsk ! Buti pa ng wala itong maalaala ay magalang.”sabi nito sa sarili na muling pumasok sa guard house. Halos parehas sila ng iniisip ng matandang guwardiya.

Muling nakabalik sa trabaho si Vincent matapos makiusap sa kanilang security agency at pumasok na agad siya kinabukasan. Sinimulan niya rin dalawin ang dalagang nurse kapag out na niya at inihahatid ito dahil magkalapit lamang ang kanilang pinapasukan.

“Nakabalik na pala ako sa pinagtatrabahuhan ko.”kwento ni Vincent habang sabay silang naglalakad ni Clara patungo sa sakayan ng Jeep.

“Wow ! Good for you. Sana tuluyan ng magbalik ang alaala mo.”masayang tugon naman ng dalaga.

“Clara…”sabi ni Vincent na parang may gustong sabihin na hindi maituloy.

Napalingon ang dalaga at hinihintay ang sasabihin ng binata. Minasdan niya ito na nakayuko lamang at nakatingin sa lupa. Bahagya silang natahimik at ang dalaga na rin ang nagtanong.

“Bakit?”

“Pwe-pwede ba kitang li-ligawan?nahihiyang tanong ng binata.

“Ha!?”sagot naman ni Clara na medyo nabigla.

“Ah wala Clara, kalimutan mo na yun sinabi ko.”bawi naman ng binata ng makita ang pag kagulat ng dalaga.

“Hindi ka pa ba nanliligaw sa lagay na yan. Halos araw araw mo na akong sinusundo at sinusuyo?”tanong naman ng dalaga na bahagyang nangingiti.

“Ha ah eh. Hindi ko alam eh, pati kasi panliligaw ay hindi ko na maalala.”palusot naman ng binata sabay nagtawanan ang dalawa.

“Bukas uli.?”tanong ng dalaga na may kasamang paalam ng sapitin nila ang daan kung saan sila naghihiwalay.

Napatango siya at napangiti.

Hindi sinagot ng dalaga ang kanyang tanong subalit sapat na ang huli nitong sinabi para maramdaman na meron din siyang pag asa sa puso ng dalaga, na gusto rin siya nito makita at makakwentuhan sa tuwing uuwi na ito mula sa trabaho.

Minasdan niya ang dalaga na makasakay ng jeep bago pa man siya tumalikod at muling umuwi sa Pasilyo Uno.

Comment Log in or Join Tablo to comment on this chapter...
~

You might like Pulandit's other books...